Wednesday, January 05, 2011

Kaganda at Kaartehan

Minsan sa isang biglaan kwentuhan, napagusapan ang koneksyon ng arte at ganda. Sabe ng kaibigan kong si Emil, dapat daw ay pantay ang arte mo sa itsura mo. Kung titignan napaka discriminating, na para bang wala nang karapatan ang ndi maganda para umarte. Pero masakit man tanggapin, totoo naman un. Bakit ka nga naman aasal nang malayo sa dapat mong asal? Ang malungkot lang, maraming tao ang ndi nakaiintindi nun. O di naman kaya iba ang nakikita nila sa salamin (?) haha!

Pero ang mas nakatutuwa ay ang realidad na ndi la ng pala kame ang nakapagisip at umaayon sa "pilosopiyang" yun. Eto na at naisulat ni Lourd De Vera.

Umasal Lamang Nang Ayon sa Ganda


Q: Bakit kailangan nito sa mga panahon ngayon?

Dahil sa mundong pataas nang pataas ang stress levels, dala ng banta ng climate change, kriminalidad, trapik, polusyon. Wala nang mas nakakakulo ng dugo kesa sa isang taong hindi umaasal nang ayon sa kagandahan.

Q: Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pilosopiyang ito?

Ilang gabay, alituntunin, at halimbawa:

• Kung di naman kagandahan ang katawan (at lalo na kung tadtad ng kurikong ang balat), ‘wag mag-post ng mga Boracay pics sa Facebook. Polite lang ang mga kaibigan mo pero pinagtatawanan ka nilang lahat. ‘Yan ang mapait na katotohanan.
• ‘Wag artehan ang pananalita. Wag lagyan ng impit at kulot kung wala rin lang natural na impit at kulot ang dila mo—unless lumaki ka sa US, nag-aral sa mamahaling paaralaan, nakatira sa exclusive subdivision, o nanggaling sa pamilya ng mga panginoong may-lupa.
• ‘Wag magpumilit mag-Ingles kung di ka rin lang naman lumaki sa Forbes Park o nag-aral sa I.S. Mas lalong wag na wag kung mali-mali rin lang naman ang Ingles mo.
• ‘Wag mag-sleeveless kung maitim ang kili-kili. ‘Wag na ‘wag mag-sleeveless kung maitim na nga ang kili-kili, pamalo pa ng dalag ang mga braso mo. Mas na mas na ‘wag—nakikiusap kaming lahat lalo na ang mga tropa ko dito sa Project 2—lalo na’t lumalabas ka pa sa TV. Alam naming karapatan ng bawat tao sa mundong itong magsuot ng sleeveless, pero tandaang karapatan din naming laitin ka nang bonggang-bongga.
• Kung di rin lang naman kagandahan, wag magti-tweet ng “WALANG GUWAPO DITO" dahil masaklap ang tatalbog sa iyo na paghusga. Wag rin magti-tweet tungkol sa kalidad ng wine lalo na’t bisita ka lang. At kahit na may training ka sa oenology, ‘wag manglalait ng wine ng ibang tao—lalo na’t pinapasuweldo ka ng taong bayan.
• Kung ka-edad mo na si Madonna, wag nang labanan ang makinarya ng panahon at isipin na ikaw pa rin ang seksing haliparot noong 1985. Kahit cultural icon ka na. Ang pagsuway dito ay magdudulot lamang ng matinding bangungot sa mga milyong-milyong tao tulad ng sa latest mong music video.
• Kung ‘di rin naman talaga model, huwag tangkaing mag-model—maliban na lang kung ang produkto ay hollow blocks o kaya’y Pigrolac. Sinadya ng Diyos na bigyan ng angkop na tangkad at ganda ang ibang tao para sa trabahong ‘yun.

Q: Ano ang kinaiba nito sa “Kung ‘di rin lang kagandahan, wag mag-inarte?"

Wala masyado—magkamag-anak nga sila, in fact. Pero masyado namang garapal itong nasa itaas. Pero ‘yan ang masakit na katotohanan: marami talagang hindi umaasal nang ayon sa ganda.

“Things that are pure within themselves evoke pleasure, thus beauty," ika nga ni Socrates. Sa Tagalog, naaalibadbaran tayo sa di-kagandahan. Lalo na’t nag-iinarte pa.

Ang di pagsunod sa batas na ito ay nagdudulot ng mga di-kanais-nais na pakiramdam sa mundo. Basic human courtesy lang dapat, di ba? Hindi tayo umuutot at pinapaamoy sa katabi natin. Hindi natin dinuduraan ang pagkain nila. Pag humihikab tayo, tinatakpan natin ang ating bunganga. Ang pag-ebs ay isang pribadong aktibidad at hindi natin ipinagmamalaki sa ibang tao.

Q: Bakit marami pa ring mga taong hindi kagandahan na hindi likas na sumusunod sa pilosopiyang ito?

Hindi ko rin alam. Bakit ba may mga taong nagnanakaw? Bakit may mga taong pumapatay? Bakit may mga mahilig manood ng child pornography o kaya bestiality? Bakit may mga opisyal sa gobyernong nakaw pa rin nang nakaw kahit na sobra-sobra na ang mga pera nila sa Switzerland?

“Good nature will always supply the absence of beauty; but beauty cannot supply the absence of good nature,"ika nga ng Briton na si Joseph Addison. Ang mahirap ay kung pangit ka na nga, maarte ka pa at masama pa ugali mo. Yung mga ganoon ay wala na talagang pag-asang lumigaya sa mundo kahit ilang hamster o pusa pa ang alagaan nila.

Q: Ano ang karaniwang nangyayari kapag hindi umasal nang naayon sa ganda ang isang tao?

Wala naman sigurong direktang koneksyon ang stress at ang mga di-kagandahang billboards sa Edsa, pero tingin ko yung kay Joel Cruz Aficionado ay isang ehemplo ng hindi umaasal nang ayon sa ganda. Ang isa pa ay yung kay Ellen Lising ng Ellen’s Aesthetic Surgical Center (Naaalala ko bigla yung The Crow. O kaya yung Joker ni Heath Ledger sa Dark Knight). Naiintindihan ko na karapatan nila ang ilagay ang mga pagmumukha nila sa mga naglalakihang tarpaulin sa bawat sulok ng Maynila. Pero magkaiba yung pag-promote ng negosyo sa pananakot sa kapwa tao.

Q: Ibig sabihin ba nito: Ang mga pangit ay wala nang karapatan mag-inarte?

Kung magdudulot ng pagtatalo sa magkakaibigan, argumento sa magkaka-opisina, suntukan sa bar dala ng kaartehang ito--- oo, wala silang karapatan.
Pero, nasa demokrasya pa rin naman tayo. Kaya, sorry na lang ako.

Q: Totoo bang pinagpapala o mas sinesuwerte ang mga taong umaastang sapat lamang sa kanilang natural na ganda?

Higit pa sa pagpapala ang ihahain sa iyo ng langit. Kabit-kabit kasi yan. Una, hindi maiismiran ang iyong dangal. Hindi ka pagbubulungan. Hindi ka pagpipyestahan ng kritisismo at tsismis. Kung walang maipipintas, walang papasok na panlalait sa aura mo, walang magnet ng negatibo. Despues, gagaan ang buhay. Tiyak na ang pagpasok ng swerte sa buhay.

Q: Magbigay ng mga halimbawa ng mga taong umaasal lang nang angkop sa kanilang ganda.

A. Buti na lang marami pa sila. Si Lucy Torres Gomez ay isang halimbawa nito. Kung tutuusin ay may karapatan siyang umasta sa anong paraang nais niya—dahil siya naman talaga’y diyosa ng kagandahan. Pero kahit na ganoon ang sitwasyon ay hindi niya kailanman inabuso ang pribelehiyong ito. Alam niya kung anong asta ang bagay sa kanya. Laging nakangiti, mabait ang pakikitungo sa tao. Hindi binabalandra sa madla ang kanyang mga mamahaling damit at pabango.

Shalani Soledad, maganda at sikat pero hindi rin nakitaan ng angas. Simple lang siya. In fact, siya pa rin ay larawan ng lumanay kahit sa gitna ng ingay at gulo ng game show. Masdan at pakinggan kung paano siya magbilang ng “…One… two… three… Goooow!"


Q: Bakit naman ito pa ang napili nating pag-usapan sa pagpasok ng bagong taon at hindi ang mga hula-hula at mga pampasuwerte sa buhay?

A: Dahil wala akong bolang kristal at wala ka ring makikitang turban sa ulo ko. Umaasal lang ako ayon sa aking ganda.

Artwork by Warren Espejo.